BEYOND BEAUTY


Powered by Blogger.

MAKARATING MAN O HINDI

Noong nakaraang linggo, napanood ko ang pelikulang Sakaling Hindi Makarating. Isa ito sa mga pelikulang uulit-ulitin ko upang maipaalala sa akin ang kahulugan ng paglalakbay. Hindi ako mahihiyang sabihan na nadala ako sa pelikulang ito dahil sa mga bagay na napagmuni-munihan ko: 







1. Isang Paglalakbay sa Siquijor, Zamboanga, Batanes, Pagudpod, Marinduque. At bagaman hindi pa ako nakararating sa kahit anong lugar na ito, para na rin akong nandoon. Parang naranasan ko na rin ang Pilipinas. Napakaganda ng kinematika, ng kanta (na naririnig ninyo ngayon), at dala nito ang emosyon ng paglalakbay at paghahanap ng kahulugan.



2. Kinailangan ng Kwento ang Paglalakbay. Noong nagaaral pa ako, kumuha ako ng tatlong klase sa pelikula at madalas sa minsan, ang mga pelikulang Pilipino ay nakasanayang gamitin ang tema ng paglalakbay para sa komersyal na dahilan. Magpapakita ng senaryo, doon iikot ang pag-iibigan, samahan pa ito ng isang sikat na kanta. Ngunit sa pelikulang ito, naitahi nang mabuti ang paglalakbay. Dumating ang mga sulat o poskards kay Cielo sa pinakamababang parte ng kanyang buhay. Kinailangan nyang bumyahe.



3.. Oo, Wanderlust, pero hindi lang ‘yun. Tunay na nakakabighani ang kagandahan ng mga lupalop sa Pilipinas na ipinakita dito, at bilang isang taong nabubuhay sa internet, nakaka-akit ito talaga. Pero hinahamon tayo ng pelikula na iwan din minsan, tulad ni Cielo, and mundo ng Instagram, iphone, at tunay na maglakbay patungo sa kung saan tayo dadalhin ng alon.



4. Makarating Man, O Hindi. Maraming pagkakataon sa pelikula na hindi nag-abot. Ang mga sulat na makakatulong sa batang mahanap ang kaniyang ama, ang naitatagong pag-ibig ni Paul kay Cielo, ang pagkakataon ni Cielo upang mahanap si M… Naalala ko tuloy ang naituro sa akin ng Pilosopiya noong nagaaral pa lamang ako, patungkol sa paghahanap ng kahulugan. Ngunit napakagandang ipinakita ng pelikula at dapatwat klisey man ito sa iba, na mas mahalaga kung paano mo binuo muli ang iyong sarili sa paglalakbay. Kung paano ka naging matatag at determinado na hanapin ang kahulugan at patutunguhan, ng walang halong pangangamba.

5. Tumalon Ka Lang at Patuloy na Lumangoy. Naalala ko lang tuloy si Fr. Ferriols. Dito ako naiyak at tinamaan sa pelikula. Ginawa ito ni Cielo nang buong-buo, upang sabi nga niya, mahanap ang kalayaan at “magkaroon ng saysay ang kaniyang pag-gising sa araw-araw.”

At huli, Buksan Ang Iyong Mata at Puso. Sa pelikula ay naglakbay nang mag-isa si Cielo at sa umpisa at masungit at nakatutuok lamang siya sa kaniyang layunin ngunit simula noong masaya niyang tinaggap ang ibang tao – na kaniyang naging kaibigan – may mga bagay na nabuo, na siyang nagbigay ng mga sagot sa kanyang mga tanong.




 Salamat Melanie Entuna sa pag-imbita sa akin! Si Melai ay isang sa mga bloggers na nakasama ko noong nagsisimula palang ako at namamangha ako sa kanyang talento sa produksiyon at pagbabahagi ng kwento. Ang galing nyo po =)


No comments


BEYOND BEAUTY